Saturday, July 23, 2011

Sulat mula kay San Pedro (Hulyo 22, 2011)


 
Mahal kong Inaanak,
                Sa ika-23 ng Hulyo 2017, isang di inaasahang pangyayari na wawasak sa iyong kinabukasan ang mababaon sa isang alaala.

               Alam kong nahihirapan at naninibago ka sa buhay kolehiyo. Hindi ito ang buhay na iyong kinagisnan at alam ko rin hindi mo ito napaghandaan. Noong isang buwan, nakisalamuha ka sa iba’t ibang tao at tinikman ang masariwa nilang mga ugali. Alam kong hindi madali sa iyon inaanak. Sa halip na sumuko , ika’y nagdesisyon na magsikap at makakuha ng malaking marka para suklian ang ang iyong magulang. At ako’y  lubos nagagalak sa iyong ginawa.

              Makalipas ang isang buwan, ika’y natutong makisabay sa iyong barkada na nagbigay kulay sa iyong bagong pahina ng iyong buhay. Ika’y dumungaw sa mga pook ng siyudad na ngayon mo na lang napuntahan. Ika’y tumanaw sa mga bagong pagkain, lugar at tao. At ako’y lubos na nagagalak na marami kang bagong natutunan sa mundo ng realidad.

              Makalipas ng isang taon, napansin kong hindi ka na umuuwi sa ating tahanan. At ako’y nag-aalala. Humingi ka ng pitong libo sa iyong ama’t ina sapagkat marami kang bilihin para sa iyong  pag-aaral. Kitang kita ko ang paghihirap na kanilang tinatamasa, halos languyin na nila ang putikan sa pagtatanim para mabigyan ka lang ng pera.

             Makalipas ng dalawang taon, hindi mo na binabalitaan ang iyong magulang sa iyong pag-aaral. Muntik nang lumuwas ang iyong ama ngunit pinigilan siya ng iyong ina dahil malaki ang tiwala niya sa iyo. Narinig nilang unting-unti mo nang winawaldas ang pera para sa inuman, yosi at sugal. Hindi nila ito pinaniwalaan sapagkat sinabi mong hindi ito totoo.
            
             Makalipas ng tatlong taon, ika’y umuwing buto’t balat. Ang gaspang ng iyong mukha at kaawa-awa ang iyong mga mata.  Umiyak ang iyong ina at pilit na nagtatanong kung ano ang nangyari sa iyo. Ngunit sinagot mo pa rin sila ng iyong kasinungalingan. Makalipas ang ilang araw, ika’y nanghina at nagpasya ang iyong magulang na dalhin ka sa ospital. Natagpuan nilang dahil ito sa iyong mga bisyo. Nakakalungkot ang mga luha’t hinanagpis na naipinta sa mukha ng iyong ina.
       
            Sinasabi ko ito sa iyo inaanak upang ipakita sa iyo ang mga panganib na mangyayari sa iyo. Ayokong isang buhay na naman ang masasayang dahil sa kanilang mga maling desisyon.  Kaya’t isipin mong mabuti ang bawat yapak na iyong hahakbangin. Sana huwag mong itapon ang pinagaguran ng iyong magulang sa maraming taon.

Nagmamahal,
San Pedro

No comments:

Post a Comment